A Philippine Human Rights NGO providing Psychosocial Services and Rehabilitation to Internally Displaced Persons and Survivors of Torture and Organized Violence.

news and events

Wala nang Lusot and Dapat Managot: Ipatupad ang Anti-Torture Act of 2009

Noong Nobyembre 2009 naipasa ang batas Anti-Torture Act of 2009 (RA 9745) na nagbabawal sa tortyur subalit mahigit na dalawang taon na ang nakalipas nang ipasa ito ay patuloy pa rin ang pagdagdag ng mga biktima nito. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang pumirma bilang suporta sa UN Convention Against Torture and other Cruel, Inhuman and Degrading Treatment or Punishment (UNCAT) at ang nasabing batas ang sagot dito, ngunit patuloy pa din na isinasagawa ang tortyur laban sa mga taong pinaghihinalaang kaaway ng estado.

Dalawang taon na ang nakalipas ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nahahatulan sa mga taong nasampahan ng kaso ng tortyur. Isang konkretong halimbawa nito ay ang kasong isinampa ni Ronnel Cabais. Si Ronnel, 25 taong gulang, isang welder. Inaresto siya ng walong kalalakihang nagpakilalang miyembro ng military noong Abril 15, 2011 noong huling araw ng lamay ng kanyang lola. Hinuli si Ronnel dahil siya diumano ang taong hinanahanap nila na nagngangalang Rommel, isang rebelde na miyembro ng New People's Army (NPA). Binugbog siya sa harapan ng mga taong nasa lamay bago siya dinala sa detachment ng mga Militar sa Villa Petrona, Libon, Albay. Labis na pinahirapan si Ronnel pagdating sa detachment; dumanas si Rommel ng sari-saring pagpapahirap tulad ng pambubugbog, pagsusupot ng ulo gamit ang plastic at pangunguryente.

Ang masakit na sinapit ni Ronnel sa kamay ng mga militar ay nagbunsod para siya ay magsampa ng kaso gamit ang Anti-Torture Act of 2009 (RA 9745). Sa kasalukuyan ang korteng humahawak ng kaso ay naglabas na ng Warrant of Arrest ngunit hindi na matagpuan ang mga suspek kung kaya't hindi na rin umusad ang kaso.

Ang tortyur ay nagdudulot ng labis na paghihirap at nagiiwan ng marka sa katawan, buhay at pagkato ng isang tao. Ang pangunahing hangad nito ay ang sirain ang buong pagkatao ng biktima. Higit sa lahat, ang tortyur ay isang paglabag sa karapatang pantao. Karapatang pantao na dapat sana ay pinapangalagaan ng ating gobyerno. Kung kaya, ang usapin ng tortyur ay nananatiling isang malaking hamon sa pampulitikang paninindigan ng mga kasapi ng pamahalaan na may direktang responsibilidad sa pangangalaga ng mamamayan.

Ang United Against Torture Coalition-Philippines, sampu ng mga biktima at kanilang mga pamilya, ay mariing kinukundena ang mabagal na daloy ng hustisya sa mga kaso ng tortyur na isinampa laban sa mga elemento ng pamahalaan na lumabag sa Anti-Torture Act. Ito ay magsisilbing panawagan sa pamahalaan na bumuo ng konkretong plano hinggil sa pangangalaga ng karapatang pantao ng mamayan. Ito rin ay panawagan sa lahat ng mamamayan na makisangkot dahil ang tortyur ay walang pinipiling biktima; maaaring ikaw o ako ang susunod. At maaari ring nangyayari na pala ito sa ating paligid nang hindi natin nalalaman.